Site icon The BEACON Publications

Larong Jackstone

Tila isang laro ng jackstone ang kalagayan ng Pilipinas sa kalagitnaan ng isang pandemya. Sa patuloy na pag-usbong ng panibagong sakit na kilala bilang severe acute respiratory syndrome coronavirus 2 (SARS-CoV-2) o Covid-19, at ang pagtaas ng bilang ng mga nahahawang indibidwal, maihahalintulad sa jackstones ang mga variant ng Covid-19 na siyang napupulot ng mga manlalaro—walang iba kundi ang mga mamamayang Pilipino. 

Batay sa World Health Organization (WHO), labing-tatlong uri o variant na ng SARS-CoV-2 ang mayroon. Ang mga ito ay ang sumusunod: Alpha, Beta, Gamma, Delta, Epsilon, Eta, Iota, Kappa, Lambda, Mu, Omicron, Theta, at Zeta. Ngunit sa kasalukuyan, pito lamang sa mga uring ito ang nakikitang nakakabahala. Ang mga ito ay naturingang Variant of Concern (VOC) na siyang nakakahawa ng maraming tao, nagkakaiba-iba ang kalubhaan, at napakahirap sugpoin ng kasalukuyang pamamaraan ng panggagamot. Dalawa naman mula sa pito ang itinuring na Variant of Interest (VOI) na may paiba-ibang kayarian na lalong nagpapalubha ng epekto nito, nagpapataas ng posibilidad ng paghawa, at iba pa. Ang mga VOCs sa kasalukuyan ay ang mga variant na Alpha, Beta, Gamma, Delta, at Omicron. Ang mga VOIs naman ay ang mga variant na Lambda at Mu. Ang natitirang anim na hindi nabanggit ay nasabing hindi na magdudulot pa ng malaking panganib sa pandaigdigang pampublikong kalusugan. 

Ayon sa Department of Health (DOH), 2,998,530 na ang bilang ng mga kaso ng Covid-19 nitong Enero 10, 2022 at ang Omicron variant ay nagsimula nang kumalat sa Metro Manila. Sa kabila ng malaking bantang ito, kapansin-pansin ang tila kawalan ng takot ng mga mamamayan dahil sa dami ng mga taong lumalabas ng kani-kanilang tahanan upang magsagawa ng ibang mga di mahalagang gawain. 

Naging sanhi na ng pagtatalo ang paghahanap ng kasagutan sa kung sino ba talaga ang kasisi-sisi sa hindi pag-usad ng bansa upang manumbalik ang dating kalagayan ng Pilipinas bago pa umusbong ang virus. Mangilan-ngilan ang nagsasabing tiyak na mahihirapan ang bansang makabangon sa mga kadahilanang malala at mahirap talagang labanan ang Covid-19 dahil bago at kulang pa ang kaalaman tungkol dito. Ayon sa kanila, mali ang pamamalakad ng pamahalaan sa pagsugpo ng sakit, at napakaraming mamamayan ang “pasaway” o mga hindi nakasusunod sa stay-at-home protocol. Tunay ngang mahirap kalabanin ang isang panibagong sakit ngunit  nauulat na ngayon na umaabot sa 93% ng mga nahawa ay gumaling na sa sakit. Hindi rin naman maikakaila na kahit mayroon mang naging pagkukulang ang pamahalaan upang mapabilis ang pagbangon ng bansa, makikita pa rin na mayroon silang mga programang isinasagawa upang matulungan ang mga mamamayan. Higit sa lahat, hindi rin nararapat na tawagin ang lahat ng mga lumalabas ng kanilang mga tahanan na “pasaway” sapagkat karamihan sa kanila ay naghahanap-buhay. Sa halip na maghanap ng taong sisisihin sa pagtaas ng mga kaso ng Covid-19 sa bansa, marapat na ituon ang pansin sa pagpuna sa kahit sinong lumalabag ng patakaran sa pamamaraang nagpapangaral at sa pag-iisip at pagsasagawa ng mga aktibidad na maaaring makatulong sa pagsugpo sa sakit na ito.

Unang-una, hindi dapat paninisi ang pinagkakaabalahan ngayon kundi ang pagpapangaral sa bawat isa tungkol sa mga maaari at hindi maaaring gawin sa kalagitnaan ng isang pandemya. Sa paghahanap ng sisisihin, hindi lahat ng mga sanhi ng patuloy na pagtaas ng kaso ng Covid-19 ang nabibigyan ng kalutasan—maaaring isa o iilan lamang. Kung kaya’t mas mainam na punahin natin ang lahat ng nakikita nating mali at pangaralan sila sa kung paano ito maitama. Kailangang patas ang pagpupuna at pangangaral sa pagitan ng mamamayan at pamahalaan. Punahin natin ang mga namumuno sa kakulangan nila sa pagtulong at pagkilos upang masigurong lahat ng pangangailangan ng mga manggagawa, lalo na ang mga nasa larangan ng medisina, ay maringgan. Pangaralan natin ang mga nasa taas na pakinggan kung ano ang hinaing ng mga taong ito dahil sila ang kinakailangan upang labanan ang sakit at itaas muli ang ekonomiya ng bansa. Punahin natin ang mga mamamayang nakikita nating ginagawang madalas ang paglabas ng bahay kahit hindi kinakailangan, hindi gumagamit ng mask nang maayos, at nagtitipon-tipon nang hindi bakunado o nagsasagawa ng social distancing. Pangaralan sila tungkol sa panganib na dulot ng panibagong mga variant sa kalusugan, sa tamang pagsuot ng mask, at sa mga pakinabang ng pagpapababakuna. Sa pamamagitan nito, masisiguro nating lahat ng ating ipinuna ay tatanawin ang pangangaral na ito bilang pagmamalasakit sa kanilang kalusugan at para sa ikabubuti ng lahat.

Alinsunod sa pagpapangaral sa iba, kinakailangan din ng sariling pagnilay at pagkilos. Hindi maaaring sa iba lamang natin iasa ang pagsugpo ng virus sapagkat mahalaga ang pagsunod ng bawat isa sa tamang gawain. Kailangan nating pagnilayan kung paano tayo, kahit sa maliit na paraan, nakakadagdag sa pinsala ng pandemya. Maaaring isa tayo sa mga hindi nagbabasa ng balita at hindi nagsisikap na maging maalam patungkol sa Covid-19. Dahil rito, maaring nagagawa nating isipin na hindi ito umiiral, napapaniwala at nagpapakalat tayo ng hindi makatotohanang balita o fake news, at hindi nagpapabakuna dahil mali ang kaalaman sa mga klase ng bakuna. Maaaring isa tayo sa mga nagiging pabaya na at hindi gumamit ng mask, mag-social distance, at nakipagkita sa mga kaibigan nang madalas kahit hindi naman kinakailangan. Maaaring isa tayo sa mga taong namemeke ng vaccination card o dokumento ng pag-quarantine at pagka-negatibo sa virus. Maaaring hindi tayo nagsasabi ng totoo tungkol sa tunay nating karamdaman, sa mga sintomas na nararamdaman, at sa mga taong nakasama upang ma-contact trace. Kahit gaano kaliit pa man sa ating paningin ang ating nagawa o gaano kakonti ang ating nakahalubilo, malawak ang pinsala nito lalo na sa mga pagod na nars, doktor, at iba pang nagtatrabaho sa medikal na larangan ngayon. Kung susubukan nating baguhin ang ating pananaw, sikaping pag-aralan ang Covid-19 at ang nangyayari sa bansa ngayon, at itama ang ating mga maling gawain, malaki rin ang magandang maidudulot nito sa pag-usad ng bansa.

Maaaring sabihin ng iba na makatutulong ang paghahanap ng kung sino o ano ang higit na nagsasanhi ng patuloy na pagtaas ng kaso ng Covid-19  sa bansa at isisi ito sa kanila upang matuto o maibago. Kung iiral ang ganitong pag-iisip, maghihiwa-hiwalay lamang ang loob ng mga mamamayan sa pamahalaan at sa bawat isa at dahil rito, hindi rin nila makikita ang pansariling kakulangan. Sa pagpili ng kung sino o ano ang sisisihin, malaking pagtatalo ang magaganap. Sa halip na magtulungan ang lahat, hindi na ito maisasakatuparan sapagkat mayroong tunggalian sa pagkakaiba ng pananaw. Kung ibubunto natin ang sisi sa pamahalaan lamang, hindi mapagtatanto ng mga mamamayan ang sarili nilang kapabayaan. Hindi nila makikitang sila rin mismo ang hindi susumusunod sa mga utos at hindi nagiging patas sa kanilang kapwa-tao. Kung ibubunto naman ang sisi sa mga mamamayang “pasaway” lamang, hindi makikita ng pamahalaan ang paghihirap ng kanilang nasasakupan at ang kanilang pansariling kakulangan sa sustento sa kanila. Nalutas nga ang suliraning idinulot ng pamahalaan, ngunit naroon pa rin ang banta ng mga mamamayang tunay nga namang hindi sumusunod sa patakaran. Gayon din sa paglutas ng suliranin ng mga mamamayan at sa banta ng kawalan ng maayos na pagplano ng pamahalaan. Kahit saang anggulo man nating tingnan, nakapipinsala ang ganitong kaisipan.

Tuluyang tila magiging isang larong jackstone ang ating kalagayan kung iisa lamang ang gusto nating ituring na kasisi-sisi sa patuloy na paglaganap ng Covid-19  sa bansa. Manatiling namimili at namumulot lamang tayo sa mga variant sa labas ng ating tahanan kung hindi natin itatama ang lahat ng nakikita nating mali mula sa kahit sino. Kung nagawa nating punahin nang may pangangaral ang iba at iisipin at gagawin ang mga paraang tingin natin ay makatutulong ngayong pandemya, magagawa nating ibahin ang larong jackstone na kasalukuyan nating tinatamasa. Sa halip na mamumulot tayo ng variant na mamiminsala ng ating kalusugan, mamimili na tayo ng variant na susugpoin. Mula isa, dalawa, hanggang lahat ng pitong variant na ang ating tuluyang nahanapan ng lunas. Hindi lamang natin matatagumpayang maibalik sa dati ang ating pamumuhay nang walang mask o social distancing, masisiguro ring mas malakas na ang pagkakatatag at pamamalakad ng bansang Pilipinas.

_____

Czarina Denisse Balansag is a freshman BS Nursing student and a feature writer of The BEACON.

Exit mobile version