Written by 1:39 am Opinion

Si Optimum Pride Oh

Panlibangan man o hindi, malawak ang naging impluwensiya ng internet memes sa ating sariling pananaw at kasalukuyang lipunan. Gayon din ang epekto nito sa larangan ng politika…

Maliban na lamang kung wala kang internet, walang pinalagpas na Pilipino sa hatirang pangmadla ang Optimum Pride meme. Sumikat ito nitong nakalipas na taon, nagkaroon pa ng remix, at inagaw ang pansin ng iilang sikat na international YouTubers. Bukod dito, hindi na mabilang ang dami ng mga internet memes na nakasasalubong ng karaniwang mga indibidwal na gumagamit ng hatirang pangmadla araw-araw. Maaaring tungkol ito sa mga hamon ng isang mag-aaral, isang tanyag na tao, laro, musika, anime, o kahit ano pa na nakaaaliw, malikhain, at higit sa lahat, relatable para sa madla. Halata ring bunga ito ng pag-usbong ng pandaigdigang pandemya at pagkalulong ng karamihan sa aliw na dala ng internet.

Para sa kabataan, isa na itong kultura o hindi kaya’y bagong uri ng pakikipagtalastasan at pagpapahayag ng kanilang mga saloobin tungkol sa isang bagay o pangyayari. Minsan rin ay nagkakaroon ng panibagong mga kaibigan ang iba sa internet dahil lamang sa kahiligan ng mga memes o pasimpleng “haha” react at pag-share ng isang makuwelang post. Hindi man bagay banggitin, masasabing makapangyarihan ang midyum na ito sa kasalukuyang Information Age. Sa bawat segundo, daan-daang tao ang nakakakita at sumusubok na bigyang kahulugan ang mga nakapaskil sa internet, kahit na katuwaan lamang ang pakay nito.

Ipaghalimbawa na ang usaping politikal na pinapalibutan na ng political memes. Umapaw sa kasikatan nitong nagdaang panahon ang 15 bilyong pondo ng PhilHealth, nakaw na yaman ng mga Marcos, Leni lugaw, anti-Duterte at pro-Duterte memes, at iba pang uyam, pangungutya, o papuri sa isang politiko o mga kaganapang pampolitika. Hindi lamang dahil madali itong sumikat, makapangyarihan ang memes sa larangan ng politika sapagkat tila isa itong mapanlinlang na uri ng propaganda. Sa likod ng mga halakhak, maaaring mahikayat ng isang meme ang mga mambabasa na umayon sa isang panig o ideya kahit tunay man o hindi ang hatid nitong mensahe. Likas naman kasi sa mga patawang ito (ngunit hindi lahat) ang eksaherasyon at kabalintunaan kung kaya ay mahalaga ang tamang pag-unawa at pagsuri sa konteksto ng isang meme.

Sa kabilang banda, nabibigyan pansin nito ang mahahalagang pangyayari sa bansa at naghahandog ng pagkakataon upang ipahayag ng mga Pilipino ang kani-kanilang opinyon. Ika nga nila, “Jokes are half-meant.” Sa comment section o caption pa lamang ng isang post ay libo-libo na ang nagbabahagi at nagpapaliwanag ng kanilang kaalaman o panig hinggil sa isang isyu, kahit na isang meme lamang ang nakapaskil sa kanilang harapan.

Panlibangan man o hindi, malawak ang naging impluwensiya ng internet memes sa ating sariling pananaw at kasalukuyang lipunan. Gayon din ang epekto nito sa larangan ng politika, marahil dahil sa iilang mga payasong namumuno ng ating pamahalaan at sa tawa na lamang madadaan ang walang hangganang suliranin ng bansa. At dahil bihira namang naipapahayag ang tunay na mga nagaganap sa taumbayan, mainam nang maging mapanuri sa mga impormasyong ipinapamalas ng internet. Maitutulad ang internet kay Optimus Prime na kayang-kayang mag-ibang anyo. Tulad nito, nagbabago rin ang anyo ng katotohanan at napapalitan ng mga fake news at linlangin ang kahit sino. Nakakatawa man sa unang tingin, hindi biro ang pakikipaglaban para sa katotohanan at katarungan na nararapat sa bawat isa.

____

Tim Midel is a freshman BS Computer Science student and a feature writer of The BEACON.

(Visited 253 times, 1 visits today)
Subscribe to my email list and stay up-to-date!
Close