Ang alamat ay isang kuwentong-bayang panitikan na sumasalamin sa kasaysayan ng mga bagay-bagay. Mga kuwentong pinagtibay ng panahon gamit ang tabil ng dila at talim ng mga alaala. Tulad ng mga alamat, ang Teatro Ateneo de Zamboanga (TA-Z), dala ang layuning makapagtanghal at makapagpabago, ay inihandog ang dulang pinamagatang “May Isang Alamat” noong ika-1 ng Setyembre 2022 sa Ateneo Center for Culture and Arts (ACCA) upang pumukaw ng mga natutulog na diwa. Ngunit, naging sapat nga ba ito upang gisingin ang kung ano man ang umiidlip?
May Isang Alamat, sa panulat ni Layeta P. Bucoy, ay isang kuwentong nakatakda sa isang “post-apocalyptic” na mundo kung saan ang bangungot ng nakatutuyong sinag ng araw ay ang siyang dahilan ng kawalan ng mga kinagisnang halaman at tubig. Dahil dito, ang nalalabing munting komunidad ng tao sa mundo ay walang magawa kung hindi ang makipagsapalaran sa laro ng pag-aalay ng buhay. Sa ngalan ng kadayukdukan, hanggang saan mo kayang ipaglaban ang iyong minamahal?
Humigit kumulang isang oras at labinlimang minuto ang kabuuang tagal ng dula kung saan pinagbibidahan ito ng samu’t saring talento mula sa iba’t ibang kurso ng Mataas na Palatuntunan ng Paaralang Ateneo ng Zamboanga. Kabilang sa mga mahahalagang personalidad sa likod ng dula ay ang punong patnugot nito na si Kiko Miranda, na maituturing nang isang haligi sa mundo ng dula. Nang makapanayam, ani nito na kahit dala ang mga karanasan ng nakaraan, may kaunting kabigatan ang muling pagbubukas ng “face-to-face” na dula sa paaralan gayoong higit limang taon ang nakalipas noong naging patnugot ng isang dula si G. Miranda. Dagdag pa rito, sa bawat pagbukas ng dula, tila binabagabag pa rin si G. Miranda ng kaba kahit na dalawang buwan ang naging haba ng kanilang pag-eensayo. Sapagkat, ayon sa kanya, tanging sa oras lamang kung saan pinapanood ng madla ang dula lalabas ang tunay na bunga ng kanilang pinaghirapan.
Gayunpaman, ayon sa mga bumida, naging kagalak-galak ang unang gabi ng kanilang pagtatanghal bagaman may mga bahagi pa silang maaaring mapabuti. Ani nila, kahit ganoon, abot-langit pa rin ang kanilang kasiyahan na muling makapagtanghal sa harap ng madla pagkatapos ng ilang taong pagkatimik.
Sa loob ng isang oras at mahigit, walang ibang maaaring maramdaman sa pagtatanghal kung hindi kilabot, pagkamangha, at pagkawindang sa daan-daang damdaming aagos sa bawat kumpas ng kuwento. Sa unang yapak pa lamang sa Gallery of the Peninsula of the Archipelago madadama na ang haplos ng kadiliman at nakatitindig-balahibong dating ng disenyo ng kisame, dingding, at silid na tila hango sa daigdig ng karimlan at sindak. Ngunit ang tunay na nagbuhat ng buong karanasan ay ang takbo ng kuwento at pagkabihasa ng mga tauhang gumanap. Bagamat ang takbo ng kuwento ay hitik sa iisang pook, hindi naman nagkulang ang pagpihit ng kuwento sa mga dakong hindi mo aasahang paparoon, na siyang magpapakabog sa inyong mga dibdib.
Taas-kamay sa lahat ng mga gumanap at nagbigay-buhay sa mga tauhan ng kuwento sapagkat naipakita at naipadama nila ang mga damdaming nakapupukaw hindi lamang sa pandinig, kung hindi pati na rin sa nahihimbing na kaluluwa. Sa bawat bigkas ng kanilang linya, madarama ang alingawngaw ng poot, pagkamuhi, pananalig, alaga, at pagmamahal na siyang pahimakas sa mga katauhan nila sa totoong buhay.
Ang alamat ay isang handog mula sa nakaraan na nagpapaliwanag sa kasaysayan ng buhay. Regalo na madalas nakaliligtaan dala na rin ng tribyal at likas na mapaglarong katangian ng mga kuwento. Subalit, tulad ng mga alamat, ang “May Isang Alamat” ay isang kayamanang kahit kailanman ay hindi maipagpapalit sa kahit anong kusing. Marapat lamang na ito ay masaksihan upang patuloy itong manalantay sa diwa ng sambayanang Atenista. Ngayon, kung ika’y tatanungin, handa ka na bang malaman ang alamat?
|mula kina Kacey Marie V. Espartero at Darwish Alih M. Subahani, The BEACON